Ang Paglalakbay ng Parokya ng Banal na Santatlo

PAGLALAKBAY SA KASAYSAYAN

Mataas, mabatong bulunbundukin subali’t hitik sa punong acacia, sampalok at ang kakaibang puno ng balic-balic. Sinasabi na dito nag-ugat ang pangalan ng Barrio de Balic-Balic, ang puno na makikita sa buong kahabaan ng G. Tuazon ngayon. Ang mga punong ito ang magilas na nagsilbing pahingahan ng mga manlalakbay nuong panahong iyon. Dito rin sa Balic-Balic nagmumula ang paglalakbay ng ating Parokya sa kasaysayan ng Simbahan at maging ng ating bayang Pilipinas.


Taong 1884, pinahintulutan ng Ayuntumiento de Ciudad de Manila ang pagpapatayo ng bagong libingan sa distrito ng Sampaloc, Maynila. Napili ni Padre Ramon Caviedas ang tila payapang bahagi ng bulubundukin ng Barrio de Balic-Balic. Halos wala na kasing mapaglibingan noon sa Cementerio de Sampaloc, kung saan kura paroko si Padre Caviedas.


Taong 1890, tinayo ang isang napakaliit na funerary chapel sa bagong bukas na Cementerio de Balic-Balic. Ang maliit na kapilya ay tila isang tuldok na nakatayo sa isang malawak na lupain ng sementeryo. Ang huling hantungan ng mga patay ay malayo sa tahanan ng mga buhay, dahil na nga rin mataas ang kinaluklukan ng sementeryo. At ang tanging daan lamang mula sa Parroquia de Sampaloc patungo rito ay kahabaan ng Calle de Balic-Balic.


Noong 1896 Revolution ay halos nasira ang Cementerio de Sampaloc, samantala ang mataas na Cementerio de Balic-Balic ay halos hindi nagalaw. Subali’t nuong panahon ng mga Amerikano, ang mismong Cementerio de Balic-Balic ang naging kuta ng mga tropa ng mga Amerikano, dahil na rin sa strategic na lokasyon nito. Ang mga Kano ay  nakaantabay sa may trangkahan ng Cementerio. At nuong ikalima ng Pebrero, 1899 ay pumutok ang Battle of Balic-Balic na ayon sa kasaysayan ng Pilipinas, ang siyang isa sa mga naghudyat ng Philippine-American War. Dito na nagambala ang kapayapaan ng mataas na libingan sa Balic-Balic.


Simula 1913, isa-isang pinasara ng American Health Institute ang mga din ang mapapakinabangang sementeryong tinayo nuong panahon ng mga Kastila. Habang ang libingan ng mga patay ay tuluyang humimlay nuong 1925, ang buhay sa Barrio de Balic-Balic ay sumigla. Dumarami na ang naninirahan dito, maraming prominenteng pamilya ang pumalit sa mga magsasaka, manlalakbay at kaminero. Ang mga palayan at taniman ay unting-unting naging residential area. Ang mga sapa at kogon ay unting-unting natatakpan. Kabilang ang Pamilya Legarda sa mga prominenteng pamilya na nagpanibago ng anyo sa Barrio de Balic-Balic simula 1925. Maikukumpara sa isang malawak na subdivision ang kanilang naging grandiosong plano sa buong Balic-Balic. Ang kanilang mansion ay matatagpuan mismo sa likod ng Sementeryo.


Mula sa panahon ng mga Kastila hanggang sa mga panahong ng mga Amerikano, ang mga mananampalataya ay kailangan pang bumiyahe patungo sa Simbahan ng Sampaloc. Dito nakita ang oportunidad na ayusin ang sira-sirang funerary chapel at gawin itong kapilyang pagdarausan ng Misa at mga araw ng obligasyon. Sa pahintulot ni Archbishop Michael Doherty, nagsimula nang magdiwang ng mga Misa sa maliit na kapilya. Mula 1925 hanggang 1928, sina Padre Carlos Inquimboy at Padre Prudencio de Aguinaldo, mula sa Simbahan ng Sampaloc, at iba pang mga paring banyagang Franciscano ang kadalasang namuno sa mga pagdiriwang.


Batay sa salaysay ni Padre Prudencio sa isang dokumentong aming natagpuan, ang malawak na lupa sa paligid ng maliit na kapilya ay nagsimulang magkabuhay, nagkaroon ng mga komersyo, naging pasyalan, nagkaroon ng skating rink, at lugar para sa mga kabataan nuon. Sa ating pagsisiyasat sa Archives ng Archdiocese ng Maynila, mayroong pastoral report si Padre Prudencio na ang financial report nang dating Cementerio at kapilya ay hindi na sakop ng kanyang Parroquia de Sampaloc. Itinalaga na si Padre Jose Pamintuan na mangalaga ng Kapilya sa loob ng dating Cementerio de Balic-Balic. Di naglaon, dahil na rin sa paglaki ng populasyon, pinayagan si Padre Pamintuan na manatili ng   Ordenes Circulares y Providencias, bilang cura parroco ng munting kapilya na tinawag na Paroqui de Balic-Balic.


Simula noon, ang siksikang kapilya ay nagbagong anyo. Sa tulong ng mga kauna-unahang parukyano at mga prominenteng pamilya, pinagawa ito upang buksan ang pintuan para sa lahat ng kinasasakupan nito.


At  nuong 1932, binasbasan at tinawag siyang Iglesia de Santissima Trinidad, na siya ring pangalan ng calle na tinutumbok ng malawak na lupain ng Simbahan. Iniluklok ang imahen ng Santissima Trinidad, sa altar ay may sculputure ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo na pinagawa ng Pamilya Murillo, ang malaking kampana ay pinagawa ng mga Legarda, ang buong Simbahan ay dinisenyo ng arkitekto ng mga Lopez. Ang imahen ng Santissima Trinidad ang nagsilbing gabay sa tuluyang pagbabago ng kapiligiran. Ang pagdiriwang ng Kapistahan ay sa Linggo ng Santissima Trinidad at hindi na kay San Isidro Labrador na patron ng mga magsasakang naninirahan nuon sa Balic-Balic. Lumaki na ang bayan ng Diyos sa paligid ng Simbahan, tuluyan nang naging ganap ang pagtatag ng Parokya ng Santisima Trinidad.


Pagkatapos ni Padre Pamintuan, sumunod si Padre Jose Marquez (1932-1938) na siyang unang kura paroko na tumira sa may kumbento sa likod ng Simbahan. Binalak niyang magpatayo ng Bagong Simbahan subali’t ang mga unang banghay ay sinira lamang ng malakas na bagyo.

 

Nagbalak din ang sumunod na kura paroko na si Padre Esteban Exaltacion na ipagawa ang Simbahan. Sinimulan ang proyekto na may Gothic design. Subali’t ito ay inabutan ng panahon ng mga Hapon. Gaya nang naranasan ng buong Maynila, ang Balic-Balic ay hindi nakaligtas sa kuko ng mga Hapon. Ang mga mansion ng Fajardo, Lopez at Legarda naging tahanan ng mga opisyales ng Hapones. Ang paaralang Legarda ay nagsilbing kuta, ang trangkahan ng Simbahan ay nakatalaga ang poste ng mga rumurondang Hapon, ang buong patio ay naging tambakan at silbing taguan kapag may kaguluhan.


Sa panahon ng Liberation nuong 1944-1945, unti-unting bumangon ang Maynila mula sa pagkasadlak, maging ang Archdiocese ng Maynila ay nagsimulang mag-ayos muli. Nuong 1945 ay tinalaga si Fr. Bernardo Torres. Sa kanyang panahon unang nagkaroon ng sariling paaralan ang Parokya sa tulong ng mga Franciscan sisters mula sa St. Joseph College nuong 1947.


Sumunod kay Padre Torres sina Padre Felix Perez nuong 1955, si Padre Francisco Avendano nuong 1955-57 at si Fr. Felix Ignacio simula 1957 hanggang 1962. Noong panahon ni Fr. Ignacio ay pinahintulan ni Rufinao Cardinal Santos na pamahalaan ng Salesian Sisters ang Holy Trinity Academy, na bukas para sa mga batang lalaki at babae. Subali’t hanggang grade four lamang ang mga batang lalaki na gusting turuan ng mga Salesian Sisters noon.

Contact Information

Address:

Calabash Road Balic-Balic Sampaloc, Manila Philippines

Phone: (+632) 731-0743 loc. 33
Telefax: (+632) 781-6076
Mobile No: (+63)927-9103290

E-mail: mhtp@mostholytrinityparish.com

Our Partners